Reaksyong Papel para sa "Ganito kami noon, Paano kayo ngayon?"

 "Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon": Pelikulang Sumasalamin sa ating mga Pilipino.




Pinagbidahan ito ni Chistopher De Leon bilang si Nicholas Ocampo o "Kulas"






          Ang palabas na ito ay pinagbidahan nila Cristopher De Leon, na siyang gumanap bilang si   Nicholas Ocampo o "Kulas", Si Gloria Diaz, bilang si "Diding" at iba pang mga batikang aktor noong dekada '70. Umikot ang buong kwento sa paghahatid ni Kulas sa isang bata na anak ng isang prayle at ang pagbabago ng kanyang buhay dahil dito. Naganap ang buong kwento mula noong panahon ng rebolusyon ng mga Pilipino laban sa Kastila hanggang sa pagdating ng mga Amerikano. Bagaman si Kulas ay nakaranas ng pagkakakulong, panlilinlang ng mga taong kanya sanang pagkakatiwalaan, hinarap niya pa rin ito ng buong loob. Sa huli, iniwan niya ang kanyang minamahal at siya ay nagpakalayo

          
              Maraming ipinakita ang palabas na ito tungkol sa mga pangyayari noong panahon ng rebolusyon. isa na rito ay ang mga maling ginagawa ng mga prayle. Masasalamin ito sa eksenang ipinagtapat ni Padre Gil na siya ay nagkaroon ng anak na lalaki. Ang paggawa ng paraan ng ibang Pilipino upang makaangat sa kanilang estado ng buhay. Ang paggamit ni Concradia sa kanyang anak na babae upang makamkam ang bahay na pagmamay-ari ni Kulas. Ang isa na marahil sa tema na gustong ipaunawa ng pelikula ay ang pagkakakilanlan ng bansang Pilipinas. Sino nga ba ang mga Pilipino?


Ang usapan ni Kulas at Lim Tungkol sa pagka-Pilipino.

         
              "Sabi ni ka Ato, ang mga ipinaganak dito sa Pilipinas ay mga Pilipino." ito ay ang sinabi ni Kulas sa naging kaibigan nitong si Lim, na isang Tsino. Mula sa kaisipang Katipunan, ito ang kanilang pakahulugan sa salitang Pilipino. Subalit iba naman ang pananaw ni Don Tibor, ang katulong ni Kulas sa pagpapalago ng kanyang kayamanan. Kanyang winika na ang isang Pilipino ay ang taong may maiaambag sa kanyang lipunan. Binaggit naman ni Bindoy na gusto ng mga pari na siya ay maging isang Pilipino at ito ay kanya namang naitanong kay Kulas. Itinugon naman niya na ang pagiging mabait, pagiging mapagmahal sa kapwa ang nais iparating ng mga prayle kay Bindoy.

     

                Gayumpaman,  Ang nais lamang iparating ng pelikula ay; Ano nga ba ang isang Pilipino?  Tiyak na ba tayo na kilala na natin ang ating pagkakakilanlan? Madaling sabihin ng isa na siya ay isang Pilipino ngunit hindi naman niya lubos na maunawaan ang kahulugan nito. Sa pelikula, nabanggit ni Don Tibor ang kaibahan ng mga Tagalog sa mga Bisaya. Mula dito, masasabi ba natin na nakahahadlang ang pagkakaiba ng pangkat na pinagmulan ng isa para siya ay matawag na Pilipino? at higit sa lahat, talaga bang masasabi na natin sa ating mga sarili tayo'y isang Pilipino? 

             

                Sa kasaysayan, ang salitang "Pilipino" ay naging ekskulsibo lamang sa mga Kastilang ipinanganak dito sa Pilipinas o sa mga "Insulares". Noong panahon ng mga ilustrado gaya nila Dr. Jose Rizal at iba pa, nagsimula nang umusbong ang kaisipang na salitang ito ay di lamang dapat na ginagamit na panukoy sa mga insulares bagkus dapat din itong tumukoy sa lahat ng mamamayan ng Pilipinas bilang pagpapakita ng pagkakapantay sa pagitan ng mga Indio at mga Espanyol. Ang ganitong konsepto ay siya namang palihim na nasasalamin sa pelikula. Sa hulihang eksena, ipinayo ni Kulas sa mga batang naapektuhan ng kaguluhan na tandaan nila na sila ay mga Pilipino. Mula dito, mayroon itong simbolikong pahiwatig. Ipinahihiwatig lang nito na dapat nang maipamulat sa mga kabataan ang kahalagahan at pagkakakilanlan natin bilang isang Pilipino, bagaman iba-iba man ang lugar na ating pinagmulan dito sa Pilipinas.




              Sa huli, ang nais lamang ipaunawa ng pelikulang ito ay dapat na malaman ng kabataan ang tunay na pagkakakilanlan natin bilang isang Pilipino. Ang ating mga nauna sa atin, ay pinilit na inalam, hinanap, at ipinamulat sa kanilang sarili at kapwa ang kanilang pagkakilanlan bilang isang Pilipino. Bagaman maraming tanong ang kailanman ay di kayang sagutin ng isang pangungusap, Palagi nating tandaan na ang salitang "Pilipino" ang siyang simbolo ng ating lahi na siyang magbibigay pagkakakilanlan sa lahat ng tao dito sa mundo. Kaya naman, dapat nating itong dalhin sa ating pamumuhay na may buong pagkatao at ipagmalaki sa lahat ng pagkakataon.

Comments

Popular posts from this blog

Ang Labanan sa Los Banos: Ang pagbabalik tanaw sa kasaysayan.